DOH: Dolomite sand makakasama sa kalusugan
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may masama umanong epekto sa kalusugan at maaaring magkaroon ng problema sa ‘respiratory system’ ang pagkakalanghap ng buhangin ng dolomite.
“Based on studies and medical literature, it can cause respiratory issues to a person. Kapag napunta sa mata, magkakaroon ng kaunting irritation. Kapag na-ingest, magkakaroon ng gastro-intestinal discomfort, pagkakasakit ng tiyan at pagtatae…ito iyong mga minor effects,” ayon kay Vergeire.
Pero, sinabi ni Vergeire na bahala na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magdetermina kung tamang hakbang ang paglalatag ng buhangin mula sa dolomite na nagkakahalaga ng higit P389 milyon habang nasa pandemya ang bansa.
Samantala, ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang ginagawang pagpapaganda sa Manila Bay sa pamamagitan ng paglalagay ng dolomite sand dahil ang pondo sa proyekto ay nakapaloob na sa 2020 national budget o bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos sabihin ni Vice-Presideng Leni Robredo na “insensitive” na ipinagpatuloy pa ang proyekto gayung hindi makapagbigay ng pinansiyal na tulong ang gobyerno sa maraming mahihirap na pamilya.
“So alam ninyo naman ang rules sa budget ‘no, kapag iyan po ay nasa line item, iyan lamang po ang pupuwedeng paggamitan noong pondo,” dagdag ni Roque.
Idinagdag ni Roque na bilang isang taga-Maynila, natutuwa siya sa mayroon magandang atraksiyon ngayon sa lungsod. - Malou Escudero
Related video:
- Latest