MANILA, Philippines — Hindi lang sa China at Russia nakikipag-negosasyon ang pamahalaan ng Pilipinas para sa bakuna ng COVID-19 kundi maging sa mga pharmaceutical companies sa Australia at Estados Unidos para makabili ang Department of Health (DOH) sa oras na ganap na madebelop na ang mga ito.
“Ang DOST (Department of Science and Technology) may scheduled na sila na meeting with Australian group naman…Itong vaccine ng Australia is developed apparently by the University of Queensland na ngayon ay nasa pre-clinical phase pa lang,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Nagsumite na rin ang Pilipinas ng “Confidential Disclosure Agreement” sa US company na Moderna, na isa sa nangunguna sa paglikha ng COVID-19 vaccine.
Kapag natapos na umano ang lahat ng kasunduan ukol sa “confidentiality” ay maaari nang maipagpatuloy ang iba pang mga pagpupulong ukol sa bakuna.
Samantala, hindi naman magsasagawa ng ‘clinical trials’ ang Pfizer sa Pilipinas dahil sa nasa Phase 3 na sila ng trials sa ibang bansa na maaaring matapos na sa buwan ng Oktubre.
Ngunit sa huling pakikipagpulong ng DOH sa Pfizer, napag-usapan na umano ang mga kakailanganin sa “Confidential Disclosure Agreement” at “pre-ordering” kapag natapos na ito.
Tuloy pa rin naman ang negosasyon ng bansa sa Russia para sa dinidebelop na Sputnik V vaccine kung saan humingi na ng klaripikasyon ang Pilipinas sa mga dokumento at resulta ng pagsusuri sa naturang bakuna.