MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police kahapon na walang foul play sa pagkamatay ni dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog na natagpuan sa kanyang selda sa Misamis Occidental kamakalawa ng umaga.
“As of this time we are ruling it out (foul play) because there was no indication of violence that transpired during the night and upon examination of his body,” paliwanag ni PNP Spokesman P/Brig. Gen. Bernard Banac.
Nitong Biyernes ng hapon ay una nang sinabi ni Police Regional Office (PRO) 10 director Brig. Gen. Rolando Anduyan na base sa pagsusuri ng mga doktor ng Ozamiz City Health Office ay namatay sa cardio pulmonary arrest secondary to cardio vascular disease o atake sa puso si Parojinog habang hinihintay pa ang resulta ng swab test nito.
Sinabi ni Banac na kinunan na rin ng pahayag ang mga pulis na nag-escort kay Parojinog bilang bahagi ng protocols ng PNP.
Si Ardot ay ang nakababatang kapatid ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog na napatay kasama ang 14 iba pa sa drug raid sa bahay nito noong Hulyo 2017. Ang dating alkalde ay tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa drug list.