Clinical trial ng ‘Avigan’ vs COVID-19 sisimulan na

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, target nilang masimulan ito ngayong Setyembre na naantala lamang sa naunang itinakdang clinical trial noong Sept. 1, 2020 dahil sa hinihintay pang mga dokumento na maisapinal tulad ng clinical trial agreements at insurance policy para sa mga taong lalahok dito.
STAR/File

MANILA, Philippines — Inaasahang isasagawa na sa susunod na linggo ang clinical trial ng Avigan, ang anti-influenza drug na nagmula sa Japan kung mabisa ring gamot ito laban sa coronavirus di­sease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, target nilang masimulan ito ngayong Setyembre na naantala lamang sa naunang itinakdang clinical trial noong Sept. 1, 2020 dahil sa hinihintay pang mga dokumento na maisapinal tulad ng clinical trial agreements at insurance policy para sa mga taong lalahok dito.

Inaayos pa rin ani­ya ang database para sa clinical trial para sa epektibong monitoring purposes. Umaasa silang sa darating na Lunes ay handa na ang database at iba pang dokumento upang masimulan ang clinical trial sa Avigan, na tatagal ng 9 na buwan.

Matatandaan na nitong Agosto, nag-donate ang Japan ng 199,000 Avigan tablets sa Pilipinas para magamit sa clinical trials sa may 100 pasyente ng COVID-19.

Samantala, sinabi ni Vergeire na gumugulong na rin ang clinical trial sa paggamit ng virgin coconut oil (VCO) para sa COVID-19 treatment na isinagawa ng Sta. Rosa Community Hospital at Philippine General Hospital. Inaasahang sasali rin dito ang Medical City Sta. Rosa sa mga susunod na araw. 

Show comments