MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Malacañang na hindi muna ipo-proseso ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapalaya kay U.S. Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na nahatulan sa kasong pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Binasa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang text message sa kanya ni BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag na pinayuhan siya ng Department of Justice na hindi muna iproseso ang pagpapalaya kay Pemberton dahil na rin may inihain pang motion for reconsideration ang kampo ni Jennifer Laude.
Kaya makabubuti aniyang hintayin muna na maresolba ang inihaing mosyon bago pag-usapan ang proseso ng pagpapalaya kay Pemberton.
Sinabi pa ni Sec. Roque na nagkausap sila ni Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabi nito na labag ang ginawa ng korte ng Olongapo City sa rekomendasyon ng Bureau of Corrections.
Sa nangyaring ito aniya na ang huwes ang nagdesisyon para sa good conduct time allowance (GCTA) para kay Pemberton ay isang judicial overbreach.
Dahil dito, sinabi ni Sec. Roque na kailangan munang pagbigyan ng korte na mapakinggan ang motion for reconsideration ng pamahalaan sa pamamagitan ng piskalya.
Nanindigan si Sec. Roque na dapat ay sinunod ng korte ang rekomendasyon ng BuCor dahil sa ilalim ng batas, ang ehekutibo dapat ang tutukoy sa entitlement ng liberality ng parusa at hindi ang korte.
Magugunita na hinatulan si Pemberton ng Court of Appeals ng hanggang 12 taon pero ibinaba ito ng hanggang 10 taon dahil sa pagpatay kay Laude.
Si Laude ay matatandaan na natagpuang patay at may mga sugat sa ulo at marka na binigti sa loob ng palikuran ng isang motel room sa Olongapo City, Zambales matapos sumama kay Pemberton sa night out noong Oktubre 11, 2014.