Sa rekomendasyon ng Senado na kasuhan sina Duque at Morales atbp…
MANILA, Philippines — Hihintayin na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging resulta ng imbestigasyon ng binuo nitong task force kaugnay sa malawakang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang naging tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang irekomenda ng Senate Committee of the Whole ang paghahain ng kasong kriminal kay Health Secretary Francisco Duque III, nagbitiw na si PhilHealth chief Ricardo Morales, at ilang dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth kaugnay sa “improper and illegal implementation” ng interim reimbursement mechanism (IRM).
Ayon sa komite ng Senado, si Duque, Morales, at ilang senior vice presidents ng PhilHealth ay kailangang sampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa pagkaka-ugnay ng mga ito sa mali at iligal na implementasyon ng IRM.
Nabatid na ang IRM ay isang advanced payment program na pinapayagan ang state insurer para bigyan ang mga health care institution ng pondo ng mas maaga para tugunan ang mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng kasalukuyang pandemya.
Sa kabila nito, sinabi ni Roque na ang rekomendasyon ng senado ay “always welcome” pero mas mabuti ang ilalabas na ulat ng Task Force PhilHealth kaysa sa binuo ng mga senador.