MANILA, Philippines — Binilinan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong upong Philippine National Police (PNP) Chief na si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na itaguyod ang Konstitusyon, “rule of law”, i-professionalize ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at ipagpatuloy rin ang laban sa ilegal na droga.
“Yan ang bilin nya (Duterte). Professionalize the ranks, uphold the constitution and the rule of law, at siyempre ipagpatuloy ang gains ng drug war,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon pa kay Roque, sa tingin niya ay may sapat na kakayahan si Cascolan para pamunuan ang PNP kaya ito ang napili ni Duterte bagaman at nakatakda na rin itong magretiro sa Nobyemre 10.
Idinagdag ni Roque na kahit konti na lang ang panahon na manunungkulan si Cascolan sa PNP ay dapat itong bigyan ng pagkakataon na maisakatuparan ang mga bilin ni Duterte.