MANILA, Philippines — Para mabilisang maireporma ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay pinag-aaralan na ng Kamara ang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang nasabing panukala ay suportado naman ni Health Secretary Francisco Duque III na nagsabing maganda ang proposal para masolusyunan na ang iregularidad sa ahensya.
Sa naganap na joint committee hearing ng House Committee on Public Accounts at Committee on Good Government and Public Accountability sa isyu ng PhilHealth sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor na kanila nang tinatalakay ang pagbibigay ng emergency power sa Pangulo.
Pabor din si Justice Undersecretary Adrian Sugay, na dumalo rin sa pagdinig sa panukalang ito gayunpaman wala pang ibang detalye ang Kamara kaugnay sa nasabing panukala.
Samantala, matapos irekomenda ng Senado na kasuhan siya ng kriminal, dumepensa naman si Duque at nanindigang hindi siya naging bahagi ng grupo na nag-aral sa interim reimbursement mechanism ng PhilHealth dahil ang kanyang tinutukan ay ang pagiging Chairman ng IATF na siyang nangasiwa sa pagtugon sa covid-19.
Ani Duque, handa siyang humarap sa Senado at ipaliwanag ang kanyang panig sa isyu. - Danilo Garcia-