Mga magsasaka pagsusuotin ng face mask, face shield habang nag-aararo at nagtatanim

Si Bokal Emily Viceo ng 3rd District ng Bulacan, vice-chair ng committee on health ng Sangguniang Panlalawigan, ay nanawagan na gawing compulsory ang pagsusuot ng face mask at face shield para sa mga magsasaka habang nagtatanim o kaya ay naglilinang ng bukid.
STAR/File

MANILA, Philippines — Naghain ng resolus­yon ang isang Bokal sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan na nag-aatas na kinakailangang magsuot ng face mask at face shield ang mga magsasaka habang sila ay nag-aararo at nagtatanim sa bukid upang makaiwas umano sa coronavirus disease (COVID-19).

Si Bokal Emily Viceo ng 3rd District ng Bulacan, vice-chair ng committee on health ng Sangguniang Panlalawigan, ay nanawagan na gawing compulsory ang pagsusuot ng face mask at face shield para sa mga magsasaka habang nagtatanim o kaya ay naglilinang ng bukid.

Kapag naaprubahan ang resolusyon, ang mga magsasakang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng P1,000 hanggang P5,000 multa.

Ayon naman kay Pol Fajardo, presidente ng Bulacan Provincial Agricultural and Fisheries Council, bukas sila sa nasabing panukala ngunit hindi niya matitiyak na ang kanilang 20,000 mi­yembro ay agad na makasusunod sa kautusang ito.

Aniya, sa pandem­yang kinakaharap ng magsasaka sa ngayon ay mas mainam na tulungan silang makabangong muli at hindi patawan ng kung ano-anong karagdagang pasakit.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang pag-usapan ng komite sa Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon.

Sinasabing may agam-agam na si Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado kung kinakailangan nga ba ng mga magsasaka ang nasabing kautusan dahil hindi naman sila magkakadikit at may social distancing naman habang nagtatanim.

Show comments