Duterte matatapos ang termino
Tiniyak ni Sen. Go…
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Sen. Bong Go sa sambayanang Filipino na matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino hanggang sa 2022 at mabubuhay pa nang maraming taon ang Punong Ehekutibo.
Ginawa ni Sen. Go ang pahayag na ito dahil sa maraming lumalabas na espekulasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo matapos magsalita ang Chief executive ukol sa kanyang sakit na Barrett’s esophagus.
“Alam ninyo, mahigit 22 years na kaming magkasama ni Pangulo at halos taun-taon ko nang naririnig ang Barrett’s esophagus na ‘yan. Naikukuwento niya kung kani-kanino, ‘di naman ganun kalala. Nakukuwento niya na habang tumatanda tayo, marami nang ipinagbabawal,” ani Go.
Tiniyak ng senador na walang dapat na ipag-alala dahil “physically fit and is in good shape” ang Presidente para patuloy na pangunahan ang bansa. Siniguro rin ni Go na tatapusin ng Presidente ang kanyang termino at mabubuhay pa siya nang mahaba.
Sinabi ni Go na nangako ang Pangulo na patuloy na patatakbuhin ang bansa at ilalagay sa ayos ang buhay ng mamamayang Filipino.
Ipinaliwanag ni Go na ang naging pahayag ng Pangulo ay ang tungkol sa payo sa kanya ng doktor na paalalahanan ang lahat ng Filipino na alagang mabuti ang kanilang kalusugan, lalo’t dumaranas ang bansa ng COVID-19 pandemic.
“Ito ang rason kung bakit nagiging mahigpit ang PSG at ang mga doktor sa kanya para masigurong hindi siya magkaroon ng anumang malubhang karamdaman. Lalo na ngayon na may COVID-19 health crisis, sinisigurado natin na hindi mahahawahan ang Pangulo. Ang health experts na ang nagsabi na ang mga senior citizens ang pinaka-vulnerable sa sakit na ito,” ani Go.
Sinabi ni Go na nasa Davao City ang Pangulo at babalik din sa Manila upang dumalo sa virtual conference kasama ng hari ng bansang Jordan upang pag-usapan ang ginagawang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
- Latest