UP expert: Sa katapusan ng Setyembre…
MANILA, Philippines — Nagbabala ang mga eksperto mula sa University of the Philippines-Diliman na posible umanong pumalo hanggang 375,000 ang bilang ng mga magpopositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa katapusan ng Setyembre.
Sa pagtataya ng UP-OCTA Research, hahataw sa 330,000 hanggang 375,000 ang posibleng total COVID-19 cases bago mag-Oktubre.
Ipinaliwanag ni UP professor Guido David na pababa na rin ang positivity rate o ang bilis ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng reproduction rate sa 1.03 RO sa pagitan ng Agosto 20-26 ay dapat umanong maibaba ito ng pamahalaan sa mas mababa pa sa 1 RO kung saan mangyayari na ang pagpatag ng mga kaso.
Patuloy rin umano ang pagbaba ng arawang bagong kaso ng COVID-19 sa average na 4,073 sa pagitan ng Agosto 19-25 mula sa 4,300 na average sa mga naunang linggo.
Nakapagtala na rin ngayon ng pagbaba ng arawang kaso sa Metro Manila. Mula sa average na 2,684 sa mga nakalipas na linggo, bumaba na umano ito sa 2,192 kaso sa pagitan ng Agosto 21 hanggang 27 na nangangahulugan na bumaba na rin ang positivity rate sa 14% mula sa dating 16%.
Tinataya naman na aabot sa pagitan ng 180,000 hanggang 210,000 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila lamang sa Setyembre 30.