MANILA, Philippines — “Wag isakay ang mga pasaherong lalabag sa ipinatutupad na health protocols.”
Ito ang iniutos kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Asec. Goddes Hope Libiran sa mga jeepney driver, dahil responsibilidad nila na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero kaya’t dapat sumunod sa ipinatutupad na health protocol.
Anya, karapatan ng mga driver ng mga public utility vehicles (PUVs) na tanggihan at huwag pasakayin ang mga pasaherong walang face mask at face shield, maging ang mga taong bawal lumabas sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Nagpaalala rin siya sa driver at konduktor na maging mahinahon sa pagtatanong o paninita para makaiwas sa gulo.
Nilinaw naman ni Libiran na maaaring isakay ang mga nagtatrabahong senior at mga mas bata sa 21-anyos basta’t may maipakitang company ID o certificate of employment, gayundin ang mga magpapakonsulta sa doktor o bibili ng essential goods at services.
Matatandaang sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ang operasyon ng piling pampublikong sasakyan basta’t susunod sa health protocols.