MANILA, Philippines — Nasa 50,000 contact tracers ang target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na i-hire sa susunod na buwan sa sandaling mailabas na ang karagdagang P5-bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, inaantabayanan na lamang nila ang ratipikasyon at pagsasabatas ng Bayanihan 2 upang maipagpatuloy ang pagkuha ng mga dagdag na contact tracers.
“‘Pag ito (pondo) ay na-release na ng DBM (Department of Budget and Management) sa amin ay maglalabas na kami ng qualifications for contact tracers,” pahayag pa ni Malaya sa isang panayam kahapon.
“Siguro sa September puwede na kami mag-hire,” dagdag nito
Sinabi ni Malaya na sa pamamagitan ng naturang pondo, makakapag-hire pa sila ng hanggang 50,000 contact tracers upang maabot ang inirerekomendang ratio na 1:30 o 1:37 para sa contact tracing ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sa ngayon aniya ay mayroon nang 85,000 contact tracers sa buong bansa ngunit kinakailangan pa ng karagdagang 50,000 contact tracers para maabot ang target ng pamahalaan na magkaroon ng 135,000 contact tracers.
Prayoridad aniya nilang makapagdagdag ng contact tracers sa Metro Manila, Cavite, Laguna, at Bulacan, kung saan nakapagtatala ng mabilis na hawahan ng COVID-19.