MANILA, Philippines — Nagbigay ng suhestiyon si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., na kailangang singilin ng mga motorcycle riders sa gobyerno ang nagastos nila sa pagbili ng barriers.
Ito ay matapos ihayag ni Joint Task Force (JTF) COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi na kailangan ng mga motorcycle barriers sa GCQ areas.
Anya, ang perang dapat sana ay pambili na lamang ng gamot at pagkain na ginastos sa pagbili ng motorcycle barriers upang makabiyahe sa lansangan sa ilalim ng health protocols kaugnay ng lockdown dulot ng COVID-19.
Ayon kay Garbin, kailangang mabawi ng mga riders ang ginasta sa barriers tulad ng pagkaltas na lamang dito mula sa bayarin sa pagpaparehistro ng behikulo, driver’s license fee at mula sa paglabag sa trapiko mula sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO), Land Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Gayundin, maaari rin aniyang bawiin ito sa grocery items na kapresyo ng halaga ng ibinili sa barrier sa ilalim ng Diskuwento caravan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Pinasalamatan naman ni Garbin ang Inter-Agency Task Force at JTF COVID Shield sa pagtugon sa kaniyang panawagan na tanggalin na ang walang silbing mga motorcycle barriers dahil takaw aksidente lamang ito.