MANILA, Philippines — Sa kabila ng anunsyo na postponement ng class opening sa Oktubre 5, binigyan naman ng pahintulot ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong paaralan at mga non-DepEd schools na magpatuloy sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na ang mga private schools at non-DepEd schools na nakapagsimula na ng klase o nakatakda nang magsimula ng klase sa Agosto 24, o iba pang petsa bago ang Oktubre 5, ay pinapayagang magpatuloy sa kanilang class opening.
Gayunman, sinabi ng DepEd, na kailangang tiyakin ng mga naturang paaralan na istriktong distance learning modalities lamang ang kanilang gagamitin at walang magaganap na face-to-face classes.
Kinakailangan din anilang magsumite ang mga naturang paaralan ng mga kinakailangang dokumento sa kanilang Regional Director, alinsunod sa DepEd Order No. 7, s. 2020 o ang School Calendar and Activities for School Year 2020-20212, gayundin sa DepEd Order No. 13, s. 2020 at DepEd Order No. 17, s. 2020, para sa kanilang readiness assessment.
Nauna rito, nitong Biyernes ay inianunsiyo ni Education Secretary Leonor Briones na inaprubahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang kanilang rekomendasyon na ipagpaliban sa Oktubre 5 ang pasukan matapos na maapektuhan ng ipinatupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at apat pang lalawigan, ang isinasagawa nilang paghahanda para sa distance learning.
Sinabi ng DepEd na aplikable ang kautusan sa pribado at pampublikong paaralan.