MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Francisco Gamboa ang reassessment sa mga medical reserve force ng pulisya para sa COVID-19 pandemic.
Inutusan na ni Gamboa si PNP deputy chief for administration Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan na suriin ang mga police doctor alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isalang na rin ang mga reservist para matulungan ang health workers sa pagkontrol sa nasabing sakit.
“Of course, mayroon na tayong mga ginamit dito sa mga quarantine area like PICC and sa Ultra pero sabi ko let’s reassess including ‘yung ating mga health service,” ani Gamboa.
Una nang nagbigay ng direktiba ang pangulo sa PNP na linisin na ang mga presinto dahil gagamitin ang mga ito bilang COVID-19 vaccination center sakaling may bakuna na.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hilingin sa military medical reservists na tumulong sa laban kontra COVID.