MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang babae matapos itong itulak palabas ng kotse at pagbabarilin ng kasamang lalaki, naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima gayundin ng salarin sa krimen.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Agham Road, tapat ng Philippine Children’s Hospital.
Sa salaysay ng testigong taxi driver, nakapila aniya siya sa northbound lane ng Agham Road sa tapat ng Philippine Children’s Hospital, nang maagaw ang kanyang pansin ng isang kotseng pula, na hindi naplakahan, na huminto sa kabilang lane.
Nakita niya na tila mayroong komosyon sa loob ng sasakyan hanggang sa nakarinig sila ng mga putok ng baril at ilang sandali ay nakita umano niyang itinulak ng lalaki ang biktima palabas ng sasakyan mula sa passenger side at saka bumaba ang isang lalaki at muling binaril ang biktima.
Narekober naman ng pulisya sa crime scene ang walong basyo ng kalibre .45 na baril.