MANILA, Philippines — “Medyo demoralized po ang nurses kasi kami pa po ang medyo nasisisi. Sabi po kasi ng Department of Health kaunti lang daw po nag-apply doon sa mga opening nila pero bakit ho kami parang nabibigyan pa ng sisi kung ‘di nag-apply? Dapat nilang tanungin bakit kaunti ang nag-apply”.
Ito ang sinabi ni Filipino Nurses United (FNU) national president Maristela Abenojar na pangunahing problema nila ang kakapusan ng nursing staff sa mga pagamutan habang patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 gayung nagsabi na ang Department of Health (DOH) na may sapat na alokasyon naman sila para sa mga nursing positions ngunit kakaunti ang nag-aaplay dito.
Sa kabila ng kakapusan ng kanilang bilang at marami ang dinadapuan ng virus ay demoralisado ang mga nurse sa pampublikong ospital dahil sa tila sila pa umano ang nasisisi sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Maaaring tingnan ang kakapusan ng PPEs (personal protective equipments), bagsak na pagkontrol sa impeksyon sa mga pagamutan at mababang iniaalok na sahod kung bakit tumatanggi ang maraming nurse na tanggapin ang trabaho.
Kasabay ng mga problemang ito, lalo pa silang nababawasan dahil sa marami ang dinadapuan ng virus.