MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si dating Dinagat Representative at “supreme master” ng kultong Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA) na si Ruben Ecleo Jr., sa Balibago, Angeles, Pampanga, kahapon ng madaling araw.
Si Ecleo, ay gumagamit ng pangalang “Manuel Riberal”, 60-anyos, residente ng Lot 6, Block 8, Orosa, Diamond Subdivision, Balibago, Angeles, Pampanga at tubong Dinagat, Surigao Del Norte.
Kasamang naaresto ang driver nito na si Benjie Relacion Fernan, alyas “Smile”, 35-anyos, nakatira rin sa nasabing subdibisyon at tubong Dinagat Island dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1829 (Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders).
Sa ulat ng pinagsanib na puwersa ng Regional Inteligence Division-Regional Special Operations Group at Regional Mobile Force Batallion kay NCRPO chief, P/Major General Debold Sinas, alas-4:30 ng madaling araw nang maaresto si Ecleo at ang driver sa paglabas nila sa naturang subdibisyon para maglaro ng golf sa kalapit na Beverly Golf Course, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Chairperson ng 1st Division ng Sandiganbayan Efren N. Dela Cruz at warrant of arrest mula sa Cebu court sa kasong paglabag sa section 3 (e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act. na may criminal case nos. 24467 hanggang 24469 at parricide.
Sinabi ni Sinas na may ilang buwan ding minanmanan si Ecleo na nahirapang matukoy kaagad dahil sa pagpapalit ng mukha o hitsura nito kumpara nang ito ay nagtatago sa Visayas.
Anim na buwang tiniktikan si Ecleo na nagpalipat-lipat ng lugar mula sa Visayas ay napunta sa Metro Manila hanggang sa may impormasyon na nasa Cubao, Quezon City ito at ang pinakahuli ay sa Pampanga.
Nakumpiskahan si Ecleo ng iba’t ibang uri ng identification card kabilang ang paggamit ng pangalang “Marcos Macapagal Garcia” sa sasakyan niyang Grandia.
Nasamsam kay Ecleo ang P173,000.00 at iba’t ibang currency bills, apat na short firearms at isang long firearm.
Ilang beses na umanong nagtangkang sumuko si Ecleo, subalit natakot siya na mahirap ang kalagayan sa loob ng bilangguan.
Ayon naman sa mga operatiba, nahirapan din silang makuha agad si Ecleo dahil pawang mga miyembro niya ang nakatira sa lugar kaya nagpapanggap silang mga vendor at basurero makapasok lang sa lugar.
Pinatawan din ng parusang reclusion perpetua si Ecleo matapos patayin ang kanyang asawa na si Alona Bacolod-Ecleo noong Abril 2020 na ang bangkay ay natagpuang naaagnas sa isang bangin. Pinagbabayad ng P25 milyon ng korte si Ecleo para sa danyos.
Si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng DILG na may patong na P2 milyong piso para sa kanyang ikadarakip.