Sa FB tag na terorista ang ABS-CBN supporters
MANILA, Philippines — Matapos ang ginawang kontrobersiyal na terrorist tagging sa Facebook posts sa mga supporters ng ABS-CBN franchise renewal na sumisigaw ng kalayaan sa pamamahayag, pinagpapaliwanag na ni PNP chief P/General Archie Gamboa ang Malaybalay City Police sa Bukidnon.
Nabatid sa gumagawa ng social media post tagging ang Malaybalay City Police at binansagang mga terorista ang mga tumututol sa shutdown ng ABS-CBN. Ito’y sa gitna na rin ng pagiging epektibo ngayong araw ( Hulyo 20 ) ng Anti-Terror Law .
Sinabi ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, nang matanggap ang reklamo sa nasabing insidente ay agad silang nagsagawa ng imbestigasyon sa kontrobersyal na ipinoste ng Malaybalay City Police sa kanilang FB account.
Ang nasabing post ay mga larawan ng mga nagsasagawa ng demonstrasyon habang hawak ang mga placards bilang suporta sa press freedom at sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN kung saan nilagyan ito ng caption na sinabing ang mga sumasakay sa isyu ay mga terorista. Ang ABS-CBN ay nabigong makakuha ng panibagong 25 taong prangkisa matapos naman itong ibasura ng komite ng Kamara sa botong 70-11.
“The Malaybalay City Police Chief and those responsible for the production and circulation of this social media material have been ordered to explain why no administrative sanctions shall be imposed on them for this apparent disregard of existing policy on social media use by PNP personnel that deserve appropriate sanctions,” ayon kay Banac.
Inihayag pa ng PNP Spokesman na tinanggal na ng Malaybalay City Police ang kanilang ipinoste sa social media.