MANILA, Philippines — Isasabak na rin ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) para tumulong sa programa ng gobyerno na Oplan Kalinga para sa COVID-19 patients.
Kahapon ay inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang BFP na isa sa kanilang mga attached agencies na tumulong sa pagpapatupad ng mga local health officials sa Oplan Kalinga na kung saan sinusundo ang mga COVID patients sa kanilang tahanan para ilagay sa mga quarantine facilities upang hindi makapanghawa.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang pagtatalaga sa BFP sa Oplan Kalinga ay hindi naman na bago dahil dati naman na nila itong ginagawa simula pa nang mag-umpisa ang pandemya.
“The BFP is part of the Municipal/City COVID-19 Task Forces and in this capacity they have been assisting the City/Municipal Health Office transport COVID patients since the start of the pandemic. In fact, they have so far transported 1,674 COVID patients nationwide,” ani Año.
Ipinaliwanag pa niya na ang Emergency Medical Service at Special Rescue Units ng BFP ay may sapat na health personnel at mga gamit sa paglilipat ng COVID-19 patients. Inaasahang makikipagtulungan ang BFP sa mga Local Epidemiology and Surveillance Unit (LESU) ng mga LGU na siyang mangunguna sa implementasyon ng Oplan Kalinga.
Nabatid na sa simula pa lang ng pandemic, nag-mobilized na ang BFP ng 73.80% ng kanilang total personnel o 20,947 officers sa iba’t ibang Gawain, bilang bahagi ng pagsusumikap ng DILG na sugpuin ang COVID-19.
May 1,207 BFP vehicles na aniya sa buong bansa ang inatasang magsagawa ng decontamination, water rationing, flushing sa mga control points, pagbibiyahe ng mga pasyente at iba pang ancillary services.
“We have deployed 98 BFP EMS ambulances, 35 Rescue/HazMat vehicles, 970 firetrucks and 114 BFP service vehicles for the DILG’s over-all COVID -19 response,” anang kalihim.