Pakikipag-usap sa loob ng LRT2 bawal na
MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease (COVID-19) ay ipinagbawal na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pakikipag-usap sa loob ng mga tren ng Light Rail Transit 2.
Ayon kay LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera, babalaaan ng mga otoridad ang mga lumalabag at paalalahanan ang mga ito sa polisiya, dahil kailangan pa ng pamunuan na i-evaluate ang susunod nilang aksyon.
“Kung talagang maraming pasaway, mapipilitan tayo na talagang gumawa pa ng mas istrikto pa na aksyon laban doon sa mga nagsasalita, nakikipag-usap o gumagamit ng telepono, sumasagot ng tawag habang sila ay nasa loob ng tren,” ayon kay Cabrera.
Tinukoy din ni Cabrera ang mga concern ng ilang pasahero tungkol sa emergency calls.
“‘Yung emergency kasi, kung titingnan natin, ‘yung buong biyahe ng tren magmula Cubao hanggang Recto mga 20 minutes lang ‘yan eh. So sa tingin ko naman ‘yung haba na ‘yon enough na ‘yon para makapaghintay sila para magamit nila ‘yung kanilang mga telepono paglabas o pagbaba nila ng tren,” saad nito.
Bilang bahagi ng kanilang health protocols, sinabi rin ni Cabrera na idi-disinfect kada 45-minuto o isang oras ang mga karaniwang hinahawakan sa mga istasyon ng LRT2 kabilang ang handrails, elevators, escalators at ticket vending machines.
- Latest