MANILA, Philippines — Pinayagan na ng Quezon City government simula kahapon na makapagsagawa ng religious activities sa lungsod pero ipatutupad ang paghihigpit sa quarantine protocol upang maiwasan ang anumang hawaan ng COVID-19.
Ang hakbang ay inanunsyo ng QC government nang payagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) ang pagsasagawa ng religious activities sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) na may 10 percent ng seating capacity.
Sa pinalabas na memorandum ni QC Mayor Joy Belmonte, kinikilala ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng pananampalataya at relihiyon ng mga Pilipino kaya’t naipatupad ang hakbang sa panahon ng pandemic.
Pinpayagan lamang na tumungo sa simbahan ang may edad 21 hanggang 59.
Ang mga wala pang 21 anyos at ang 60-anyos pataas lalo na kung may immunodeficiency, comorbidity, o iba pang health risks at ang mga buntis ay bawal pumunta sa alinmang religious gatherings. Paiiralin din ang social distancing at dapat na may isang entrance at exit lamang sa lugar. Isasagawa ang thermal scanning at hand sanitizing pagpasok at paglabas ng gusali.
Ipinag-utos din ni Belmonte sa lahat ng barangay chairmen, QC Police District at sa Law and Order Cluster na magtulungan upang matiyak na sinusunod ang mga paghihigpit sa alinmang religious gathering sa lungsod.