MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang chief inquest prosecutor ng Manila Regional Trial Court (RTC) nang pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse ng hindi pa nakikilang suspek sa Quirino Highway, Paco, Maynila, kahapon ng umaga.
Ang nasawi ay kinilalang si Prosecutor Jovencio Senados, 62, nakatira sa Villa Palao, Calamba, Laguna. Hindi naman ginalaw ng mga suspek ang tsuper ni Senados na hindi muna kinilala ng pulisya.
Sa inisyal na ulat, bago naganap ang pananambang , alas-11:05 ng umaga sa panulukan ng Quirino Highway at Anakbayan St. sa Paco ay binabagtas ng kotse ng biktima ang Quirino Highway para pumasok sa serbisyo sa Manila Hall of Justice nang dikitan ang kaniyang kotse ng itim na sports utility vehicle (SUV) lulan ang mga hindi nakilalang salarin at pinagbabaril.
Agad na ipinag-utos ni MPD Director P/Brig.General Rolando Miranda ang dragnet operation para sa ikadarakip ng mga salarin.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya para mabatid ang motibo sa pamamaslang kabilang ang pag-alam kung may kinalaman ito sa mga hinahawakan o hinawakang kaso ni Senados.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaslang na posibleng may kinalaman sa hinahawakan nitong mga kaso.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inutusan na niya ang National Bureau of Investigation upang imbestigahan ang insidente.