MANILA, Philippines — Umabot na sa milyun-milyon ang overbilling ng Panay Electric Company (PECO) sa kanilang mga consumer kaya’t hinikayat ng isang dating opisyal ng Iloilo City na mainam na bayaran na lamang ang overbilling sa halip na gumastos sa lawyer’s fee at publicity para mahabol ang kinanselang legislative franchise at mabawi ang tinanggal na operation permit.
Ito ang sinabi ni dating Iloilo Councilor Joshua Alim, na malaki pa ang pagkakautang ng PECO sa may 60,000 consumers dahil sa overbilling sa monthly electricity consumption na umaabot ng halos 1,000 porsiyento.
Anya, dalawa ang overbilling case na kinahaharap ng PECO, ang una ay P1-B na dapat nitong ibalik sa mga consumers resulta ng “over recovery” sa binili nitong kuryente mula sa generation company na PECO noong 2009 na nagkaroon ng compromise agreement sa nasabing kaso kaya nasa P630-M na lamang ang iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na i-refund sa mga consumers.
Ang ikalawang overbilling case ng PECO ay ang nadiskubreng anomalya ng House Committee on Legislative Franchises sa gitna ng isinasagawa nitong pagdinig, batay sa mga ebidensyang nakalap ay nagkaroon ng mga erroneus meter reading ang PECO dahil sa umano ay sira-sira nang mga electric meter at lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng jumper o illegal power connecctions na nagresulta ng pagtaas sa singil sa kuryente sa kanilang mga consumers.
Tinukoy ni Alim ang naging technical study ng MIESCOR Logistics Inc noong 2019 na nagsasabing may 30,000 illegal power connections sa Iloilo City na mas mataas pa ang nakukunsumong kuryente kaysa sa mga lehitimong consumer kaya umabot sa 9.3 porsiyento ang systems loss.