Meralco: Walang disconnection hanggang Setyembre 30
MANILA, Philippines — Sa pagdinig sa Kamara nitong Hulyo 2, pinalawig ng Manila Electric Company (Meralco) ang panahon na walang magaganap na putulan sa suplay ng kuryente para sa mga kustomer nito.
Inihayag ni Meralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa na pinalawig nila ang “no disconnection period” hanggang Setyembre 30, 2020.
“We will extend the no disconnection period until Sept. 30 of this year,” ani Espinosa sa pagdinig ng House energy committee na pinamumunuan ni House Energy Committee Chairman Lord Allan Velasco.
Nagpasalamat naman si Congressman Velasco sa ginawa ng Meralco at sinabing makakatulong ito sa mga konsyumer ng kuryente.
Ayon naman kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga sa panayam ng media kamakailan, ginagawa ng Meralco ang lahat para maresolba at matugunan ang lahat ng mga isyu at concern ng mga Meralco customers.
“Iniisa-isa namin ang bawat reklamo na aming natatangap at hindi kami titigil hangga’t hindi nabibigyan ng solusyon ang bawat hinaing,” ani Zaldarriaga.
Kinakausap ng Meralco ang bawat kustomer na nagrereklamo ukol sa lumobong bayarin.
“Walang ilalabas na disconnection notice kaya wala ring putulan na mangyayari. Sa tingin namin magkakaroon na kami ng sapat na panahon upang maresolba ang lahat ng issue at tanong ng konsyumer.” pagtatapos ni Zaldarriaga
Tiniyak naman ng Meralco na ang sinisingil lamang nito ay kung ano ang nakonsumo ng kanilang kustomer batay sa nakarehistro sa metro.
Nagsimula noong Mayo ang aktuwal na meter reading ng kumpanya at nakumpleto noong nagdaan buwan ng Hunyo.
- Latest