MANILA, Philippines — Simula Hulyo 10 ay papayagan na ang pagsasagawa ng religous gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ito ang inanunsiyo ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Laging Handa briefing kasunod ng naging pagpupulong kahapon ng IATF.
Nilinaw ni Sec. Roque na 10 porsiyento lamang ang maaaring mapahintulutang makadalo sa isang pagtitipon o aktibidad na may kinalaman sa relihiyon na epektibo sa Hulyo 10.
Ilalabas aniya nila ang kaukulang panuntunan tungkol dito habang ilan pang mga aktibidad ang pinahintulutan na din.
Ilan dito ay ang pagpapahintulot sa mga football at basket players na makapag-practice, makapagbukas ang mga travel agencies on a skeletal force at paghahatid ng iba pang serbisyo ng mga nasa salon at barberya.
Ang mga lugar na nasa ilalim ng GCQ simula Hulyo 1 hanggang 15 ay ang mga sumusunod:National Capital Region; Benguet; Cavite; Rizal; Lapu Lapu City; Mandaue City; Leyte; Ormoc; Southern Leyte; Talisay City, Cebu; Bayan ng Minglanilla; at Consolacion sa Cebu province.