MANILA, Philippines — Ngayong araw ay magbabalik-pasada na ang mga traditional jeepneys sa National Capital Region (NCR) sa 49 ruta at dapat aabutin lamang ng 50 porciento ang isasakay na pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, unang bugso pa lamang ang 6,002 units na papayagang bumiyahe ngayong araw habang magsasagawa sila ng ongoing assessment at travel demand study hinggil dito at sa mga susunod na linggo ay madaragdagan ang ruta hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Sinabi ni Delgra na binusisi nila ng husto ang piniling 49 ruta ng jeep sa pamamagitan ng pangangailangan dito at pagtugon sa mga rutang hindi pa dinadaanan ng ibang sasakyan gaya ng UV Express.
Pinapayuhan din ni Delgra ang commuters na magbayad muna ng pasahe direkta sa tsuper bago sumakay upang maiwasan ang pagpapasahan ng pamasahe, para na rin makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
Pansamantalang papayagan muna ang pagbiyahe ng mga jeep kahit wala pang nada-download ng “QR codes,” na ipapaskil sa mga sasakyan sa darating na Lunes dahil hindi pa gumagana ang website ng LTFRB na ibinigay ng gobyerno para dito.
Related video: