Pangulong Duterte kakausapin ang 9 pulis na nakapatay sa 4 sundalo

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Bureau of Investigation na bilisan ang isinasagawa nitong imbestigasyon.
STAR/Joven Cagande, file

MANILA, Philippines — Ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nangyaring umanong misencounter sa Jolo, Sulu sa pagitan ng pulis kung saan apat na sundalo ang nasawi.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na inatasan ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation na bilisan ang isinasagawa nitong imbestigasyon.

Ipinagbigay-alam na rin ng Chief Executive kay Interior Secretary Eduardo Año, na may hurisdiksyon sa Philippine National Police (PNP) na nais makausap ng personal ang siyam na pulis na diumano’y nagpaputok sa apat na Army personnel na ikinasawi nina Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula.

Gusto rin ni Pangulong Duterte na bisitahin ang kanyang mga kawal sa Sulu na ngayon ay mababa ang morale.

Umaasa rin aniya ang Punong Ehekutibo na ito na ang huling misencounter sa pagitan ng government forces sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Bukod sa NBI ay paiimbestigahan na rin ng Philippine National Police – Internal Affairs Service ang Jolo incident.

“We acted already kasi nasa mandate ng IAS to conduct motu proprio investigation sa mga incident katulad niyan,” lahad ni Inspector General Alfegar Triambulo.

Aniya, ang regional IAS sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay may initial report na ng insidente.

Show comments