MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Sabado na inisyal nitong pinayagan ang halos isang libong UV Express units na bumiyahe mula at papuntang National Capital Region at kalapit-lalawigan sa 47 na ruta simula ngayong araw na ito.
Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na inaprubahan nito ang panuntunan sa pag-rationalize sa pagpapadala ng 980 UV Express units sa 47 na ruta bilang bahagi ng gradual, calibrated at calculated approach ng Department of Transportation (DOTr) sa pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila sa gitna ng general community quarantine (GCQ).
Subalit, sinabi ni Delgra na ang LTFRB ay “not discounting the possibility of deploying additional modern and traditional jeepneys later” upang i-augment ang operasyon ng 980 UV Express depende sa demand sa pasahero.
Umapela ang LTFRB chief sa mga operator at driver ng UV Express na mahigpit na sumunod sa panuntunang nakatakda sa LTFRB Memorandum Circular 2020-025, kung saan nakasaad ditong dapat ay terminal-to-terminal ang mga UV Express, walang pick up at drop off ng mga pasahero at hindi pagdaan sa EDSA at Commonwealth Avenue, liban na lamang kung tatawid.
Binigyang-diin din ni Delgra ang umiiral na UV Express fare rate na P2 kada kilometro, at walang fare adjustment na isasagawa hangga’t hindi inaaprubahan ng LTFRB.