‘Special power’ ni Duterte sa school opening, ok sa 241 solons
MANILA, Philippines — Pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang school calendar o buwan ng pagbubukas ng klase sa panahon ng state of emergency o state of calamity sa bansa tulad ng krisis sa COVID-19.
Sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara, 241 na kongresista ang bumoto ng pabor habang walang kumontra at wala ring nag-abstain ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6895 o ang pag-aamyenda sa Republic Act (RA) 7797 o ang “An Act To Lengthen the School Calendar From Two Hundred Days to Not More Than Two Hundred Twenty Class Days.”
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo na nilalayon ng nasabing panukalang batas na bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na baguhin ang pagbubukas ng klase kung may mga national emergency na kinakaharap ang bansa tulad ng matinding krisis ngayon sa COVID-19.
Itinatakda dito na ang pagbabago ng petsa at buwan sa pagbubukas ng klase ay depende sa magiging rekomendasyon ng Department of Education (DepEd).
Ang kalihim ng DepEd naman ang magdedetermina ng pagtatapos ng regular na school year kung saan ikokonsidera ang Kapaskuhan at summer vacations gayundin sa mga pangyayari sa bawat rehiyon.
Una nang inirekomenda ng DepEd sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24 bunga ng COVID-19 pandemic.
- Latest