MANILA, Philippines — Pumanaw na kamakalawa ng gabi si dating Philippine Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. dahil sa pneumonia at heart failure sa St. Luke’s Medical Center sa edad na 85.
Si Cojuangco ay chairman at chief executive officer ng San Miguel Corporation (SMC), naging ambassador ng Pilipinas sa Amerika, at founder ng isa sa pinakamalaking political parties sa bansa, ang Nationalist People’s Coalition (NPC).
Nagpaabot ng pakikiramay ang Senado sa pagpanaw ni Cojuangco.
Ayon kay Sen. Grace Poe, walang pagod na naghanap ng paraan si Cojuangco para mapayabong ang mga komunidad. Tumulong din siyang magbukas ng mga oportunidad base sa kanyang matibay na pananalig sa kakayanan ng bawat Pilipino.
Sinabi naman ni Sen. Win Gatchalian na hindi rin umano matatawaran ang malaking naiambag ni Cojuangco sa larangan ng sports lalo na noong dekada 80’s.
Ikinalungkot naman ng Malacañang ang pagyao ni Cojuangco at nagpahatid rin sila ng dasal sa mga naulila nito.
“We are deeply saddened by the passing of Mr. Eduardo “Danding” Cojuangco, Jr.,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pinuri rin ng Malacañang ang malaking kontribusyon ni Cojuangco sa pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng SMC. Marami umanong nagkaroon ng trabaho dahil sa kanyang kumpanya na may kinalaman sa pagkain, inumin, enerhiya, power, oil refining at imprastraktura.