MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na hindi pa kumpirmadong lunas sa coronavirus disease (COVID-19) ang ‘Dexamethasone’ na isang uri ng steroid.
Ito ay makaraan ang ulat na sinasabi ng mga British researchers na nadiskubreng malaki ang naitulong ng naturang gamot sa paggaling ng higit sa 30% ng mga pasyente na may COVID-19.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi isang “magic pill” ang ‘Dexamethasone’ na hindi ka na tatablan ng virus o agad na gagaling kapag ginamit ito.
“People might think that this is the ‘magic pill’ para sa COVID-19. It is not. Hindi ito gamot na ‘pag ininom, mawawala ang COVID-19 o ‘pag ininom mo ito, hindi ka magkaka-COVID,” ayon kay Vergeire, sa isang online media forum.
Nabatid na ang ‘Dexamethasone’ ay isang mura at madaling mabili na uri ng steroid.
Sinabi ng DOH na isang “supportive treatment” lamang ito at kailangan pa rin na suriing mabuti ang ginawang pag-aaral ng ibang mga eksperto hanggang sa mapatunayan ang kakayahan nito sa pagsugpo sa virus.
“Antayin natin ‘yung resulta ng peer review na ito para ‘yung ating eksperto ay mapag-aralan yan at masabi kung talagang pwedeng gawin,” dagdag pa ni Vergeire.
Related video: