Hatol kay Ressa, gagamitin ng mga kalaban ng gobyerno - Malacañang
MANILA, Philippines — Gagamitin ng mga kalaban ng gobyerno laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hatol na guilty kay Rappler chief executive officer Maria Ressa sa kasong cyber libel.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperon Harry Roque at asahan na aniya ang banat ng mga kalaban ng gobyerno na magsasabing kalaban ng malayang pamamahayag ang Pangulo.
“Sa mga darating na araw po asahan po natin na ang mga kalaban ng gobyerno ay gagamitin ang conviction ni Maria Ressa for libel para sabihin na kalaban daw po ng kalayaan ng malayang pananalita at pamamahayag ang Presidente,” ani Roque.
Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Roque si Duterte na kahit kailan aniya ay hindi nagsampa ng kasong libel sa mga bumabatikos sa kanya kahit noong mayor pa siya ng Davao City.
“Paulit-ulit na pong sinabi ng Presidente na ni minsan hindi po siya naghain na kahit anong kaso ng libel laban sa kahit kaninong nabu-buwisit siyang mga peryodista. Naniniwala po siya sa malayang pag-iisip at pananalita at ang paninindigan niya, ang taong-gobyerno hindi dapat onion skinned ‘no. Kinakailangan hinaharap ang pula ng taumbayan lalo na kung ito ay nanggagaling sa ating media,” ani Roque.
Ibinigay na halimbawa pa ni Roque ang ginawang pagsuporta ng Pangulo sa broadcaster na si Alexander Adonis na nagbroadcast ng diumano’y pagtakbo ng hubo’t hubad ni dating Davao Rep. Prospero Nograles sa isang hotel, sanhi upang mahatulan ang una sa kasong libel at nakulong sa Davao Penal Colony sanhi upang dumulog sa United Nations.
Nagtagumpay aniya si Adonis sa pagdulog niya sa UN kung saan sinabi niya na iyong criminal libel sa Pilipinas ay labag sa karapatan ng malayang pananalita pero hindi naman ito sinang-ayunan ng Korte Suprema na naniniwalang hindi “protected speech” ang libel.
- Latest