Bato: Kapag nabasura ang Anti-Terror Bill…
MANILA, Philippines — Pinalagan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga kritiko ng kontrobersyal na new anti-terrorism bill at sinabing huwag sisisihin ang gobyerno oras na malagay sa alanganin ang buhay nila at kaanak ng dahil sa terorismo.
“Sige, i-junk ninyo. Gusto niyo i-junk? Junk ninyo. Kapag kayo ay naging biktima ng terorista, sumabog ang bomba diyan, may namatay sa mahal sa buhay ninyo, o kayo mismo, huwag ninyong sisihin ang gobyerno na hindi gumagawa ng paraan para mahinto ang terrorism, para masawata ang terrorism,” lahad ni Dela Rosa.
Hindi aniya dapat matakot ang mga nasasakupan na sumusunod sa batas dahil target lamang nito ang mga terorista at mga sumusuporta sa kanila.
“Itong anti-terror bill na ito, kung ikaw ay law-abiding citizen at ayaw na ayaw mo ng terorismo, you will rejoice when this bill is signed into law. Pero kung ikaw ay terorista o kaya’y supporter ng mga terorista, dapat matakot ka sa batas na ito. Kailangang-kailangan talaga natin itong batas na ito.”
“Kaya huwag kayong makinig diyan sa mga nagbibigay ng disinformation at basahin niyo ang batas. Huwag kayong makinig diyan sa nagdi-disinformation dahil alam ko grabe ang disinformation na ginagawa ngayon dito, lalo na ng mga kaliwa, dahil alam nila na tatamaan ang NPA New People’s Army sa batas na ito,” lahad pa ni Dela Rosa.
“Kaya talagang nagkukumahog sila na sirain ang batas na ito, hindi maisabatas dahil alam nila na tatamaan ang NPA. Kaya basahin niyo ang batas, mawala ang agam-agam niyo.”
“Sa Section 4 ng bill na ito, nakasaad doon, ‘terrorism does not include advocacy, protest, dissent, stoppage of work, mass or industrial actions and other similar exercises of civil and political rights,’” paliwanag ni Bato.
Nilinaw rin ng senador na ang Anti-Terrorism Council (ATC) ay magsisilbing “safeguard” para sa mga maaaresto.