Kagawad naburyong: Ex-live-in, 2 pa minasaker
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding selos, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang naburyong na barangay kagawad ang kanyang dating live-in partner, anak nito at isa pang babaeng kaanak sa naganap na malagim na massacre sa Brgy. Paluparan 3, Dasmariñas City, Cavite nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Marlon Santos ang mga nasawi na sina Rogima Salumbanes, 44, anak na si Kimberly Salumbanes, 23-anyos at Ronalyn Baculao, 33; pawang residente ng Block 201, Phase 5, Brgy. Paluparan 3, Dasmariñas City.
Sa phone interview, sinabi ni Santos na ang mga biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Arestado naman sa followup operation ang suspect na si Brgy. Kagawad Reynaldo Bucal, residente rin sa lugar.
Ayon kay Santos, matinding selos ang nakikitang motibo sa krimen dahil ayaw nang makipagbalikan sa suspect ang dati nitong live-in partner na si Rogima at pilit na pinaaamin nito na may ibang lalaki ang ginang.
Sinugod ng suspek si Rogima sa kanyang bahay saka pinagbabaril pero minalas na madamay ang dalawang miyembro pa ng pamilya na tinangkang umawat.
Nakatakbo pa palabas si Salumbanes pero dito na siya inabutan ng kamatayan.
Sa imbestigasyon, bandang alas-8:22 ng gabi, nakarinig ang mga kapitbahay ng sunud-sunod na putok ng baril at kasunod nito ay nakitang tumatalilis si Bucal patungo sa direksyong Zapote lulan ng kulay berdeng Hi Ace van (TRI 739).
Agad inutos ni Dasmariñas City Police chief Lt. Col. Richard Ian Tubiera ang manhunt operation laban sa suspect at nasakote sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City dakong alas-2:30 ng madaling araw kahapon. Nakumpiska sa pag-iingat nito ang isang cal .45 pistol at isang basyo ng magazine.
- Latest