Modified number coding scheme, suspendido - MMDA
MANILA, Philippines — Suspendido ngayong araw ang modified number coding scheme para sa pribado at pampublikong sasakyan “until further notice”.
Inanunsyo ito ni Metro Manila Development Authority spokesperson Celine Pialago, halos isang linggo matapos isailalim ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ).
“Marami pa rin po tayong mga kababayan na nahihirapang sumakay under GCQ…ayaw po muna nating bigyan ng dagdag isipin ang mga motorista, kasabay po nito ang pagkumpleto ng DOTr (Department of Transportation) and LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) ng mga ruta na nangangailangan pa ng mga buses para ho sa mga stranded passengers,” wika ni Pialago.
Sa ilalim ng modified number coding scheme, papayagan ang isang pribadong sasakyan na coding sa araw na iyon kung may dalawa o higit pa itong sakay, kabilang ang driver. Sa mga non-coding na araw, malayang magagamit ang mga sasakyan.
Nakalinya ang modification na ito sa MMDA Regulation No. 2020-001, Series of 2020, na isinagawa ng mga alkalde ng Metro Manila noong Mayo 26. Hindi naman kasama sa scheme ang health workers na nagda-drive ng pribadong sasakyan.
- Latest