MANILA, Philippines — Dahil sa ginawang panloloko ng isang fixer sa isang negosyante, nanawagan na ang lokal na pamahalaan sa mga business owners na makipagtransaksyon lamang sa mga empleyado ng Quezon City Hall kung nais kumuha ng license o business permits.
Ang panawagan ay ginawa ni Mayor Joy Belmonte nang maloko ng halagang P339,499.95 ang business owner na si Norberto Reblora Jr. ng Massive Integrated Tech Solutions ng umano’y fixer na nangakong pabibilisin ang renewal ng business permit nito sa Business Permits and Licensing Department (BPLD).
Nagsampa na ng kasong estafa si Reblora laban sa suspek na si Mariecris Bobiles na nanloko umano sa kanya makaraang mahuli ng mga elemento ng QC Police Department at QC Legal Department.
Ayon kay Belmonte, walang dahilan para makipagtransaksyon sa mga fixer dahil pinabilis na ang proseso sa pagkuha ng mga permit, lisensiya at iba pang dokumento na kailangan sa pagnenegosyo sa QC.