MANILA, Philippines — Ipatutupad pa rin ng Bureau of Immigration (BI) ang international flight travel restrictions sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kabila ng napipinto nang pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula sa June 1.
Sa pahayag, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente tuloy ang pag-iral ng travel restrictions na unang ipinatupad sa ilalim ng ECQ at MECQ.
“As a consequence, our operations at the NAIA are still downscaled and our personnel there are still on skeletal and rotational deployment,” ayon kay Morente.
Karamihan naman sa mga passenger flights ay para sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga “sweeper flights” para iuwi ang mga na-stran-ded na mga dayuhan sa kanilang bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 20-30 flights kada araw kabilang na ang mga may dalang medical supplies at iba pang cargo ang pinapayagan.
Sa ilalim ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force Against Infectious Diseases (IATF), tanging mga OFWs, Filipino citizens, mga may permanent residences at mga dayuhang diplomat lamang ang pinapayagang pumasok ng bansa. Ang mga makalalabas naman ay mga dayuhan lamang o mga Filipino na may permanent residence o student visa sa destinasyong bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Morente na handa ang BI sakaling payagan na ang normal operations sa mga paliparan.