Ex-whistleblower vs Sen. Lacson arestado sa estafa

Nagtatakip ng kanyang mukha ang dating whistleblower na si Antonio Luis Marquez alyas Angelo Ador Mawanay matapos na maaresto ng (CIDG) sa kasong estafa. Si Mawanay ay dating nag-akusa kay Senador Ping Lacson noong ito ay PNP chief.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si “Ador Mawanay” ang kontro­bersiyal na dating star witness laban kay dating PNP Chief at ngayon ay Senator Panfilo Lacson.

Si Mawanay na  Antonio Luis Marquez ang tunay na pangalan ay nadakip ng CIDG dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa Chestnut St. Greenwood Subd. Pasig City.

Ang pagdakip kay Mawanay ay bunsod ng ikinasang “Oplan Pagtugis” ng CIDG bunsod ng warrant of arrest sa kasong estafa.

Ang mamdamiyemto de aresto laban kay Mawanay ay inisyu ni Antipolo City RTC- 4th Judicial Region Branch 100 Presiding Judge Ma. Consejo Gengos Ignalaga noong Hunyo 27, 2017.

Si Mawanay ang nag-akusa noon kay Lacson sa  pagkakaroon umano nito ng multi-million dollar account sa abroad dahil sa umano’y pagkakasangkot ng dating Philippine National Police chief sa kalakaran ng ilegal na droga, kidnapping at smuggling.

Kalaunan ay binawi ni Mawanay ang akusasyon at sinabing pakana ni da­ting First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang pagkaladkad kay Lacson sa droga na itinanggi naman ng mister ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Show comments