MANILA, Philippines — Umapela na rin si Rizal acting governor Reynaldo San Juan Jr. sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na payagan na ang pag-backride o angkas sa motorsiklo na mag-asawa na pareho namang nakatira o umuuwi sa iisang tahanan.
Sinabi ni San Juan, napipilitang maglakad ang mga kababaihang asawa ng mga nagmomotorsiklo ng ilang oras para lamang makarating sa kanilang pinapasukang trabaho dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon.
Tiniyak ni San Juan na magpapatupad sila ng karagdagang hakbang para sa kaligtasan ng driver at angkas na misis nito at panatilihin ang pagsusuot at paggamit ng face mask. Aniya, bibigyan nila ng travel pass ang mag-asawa at dapat laging dala ang kanilang marriage certificate.
Ang Rizal ay sumasailalim na sa general community quarantine (GCQ) kaya marami sa mga residente ang pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho pero hindi pinapayagan ang magkaangkas sa motorsiklo.
Nauna rito, hiniling ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa IATF na payagan na ang mag-asawa na magkaangkas sa motorsiklo dahil magkasama naman sila sa iisang bahay.