MANILA, Philippines — Nagbigay ng suhestiyon si Bohol 3rd District Rep. Alexie Tutor, vice chairman ng House committee on health na upang maging maayos ang pagharap sa “new normal” ay kailangang matugunan muna ng gobyerno ang mabagal na internet speed sa mga probinsiya kaugnay ng online learning, Balik Probinsiya Program at work from home.
Dapat aniya ay nasa 4G o 30Mbps speed ang mga internet sa probinsiya na kailangan sa paghahanda sa panibagong bukas matapos ang pagharap sa new normal dulot ng COVID-19.
Kinakailangan umanong mapabilis ang pagtatayo ng common towers na itinatadhana sa Department of Information and Communication Technology (DICT) Charter.
Pinapurihan naman ni Tutor ang promulgasyon ng DICT sa pinakahuling regulasyon at panuntunan nito sa implementasyon ng Common Tower Policy sa ilalim ng Republic Act (RA) 10844.
Inihayag ng lady solon na upang mapabilis ang pagtatayo ng mga imprastrakturang ito ay kailangang buwagin ang anumang “red tape” na humahadlang sa mga telecoms upang maitayo ito.