MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang assistant secretary ng Office of the Civil Defense na si Kristoffer James Purisima.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque at “lack of confidence and trust” ang dahilan ng Pangulo sa pagsibak kay Purisima.
Si Purisima ay nagsilbi noon na tagapagsalita ng Task Force Bangon Marawi (TFBM).
Tiniyak ni Roque na maayos naman ang OCD sa pamumuno ni Undersecretary Ricardo Jalad at patuloy ang kanilang gawain katulad ng pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at maging sa ginagawa ng gobyerno para labanan ang COVID-19.
Samantala, tinanggap na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio.
“The Palace thanks Usec. Rio for his invaluable services to the nation and wish him well in all his future endeavor,” ayon kay Roque.
Si Rio ay naghain ng kanyang resignation letter sa Malacañang noong Pebrero 2020. Matagal siyang nanilbihan bilang acting secretary ng DICT at pinamunuan ang bidding process para sa third telco sa bansa.