MANILA, Philippines — Mananatiling “off the air” ang ABS-CBN kung hindi magpapalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) sa isinampang cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ang sinabi ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay “ Villafuerte matapos na magdesisyon ang Kamara na isantabi at tuluyan nang bawiin ang House Bill (HB) 6732 para mabigyan muna ng temporary franchise ang ABS-CBN hanggang Oktubre 31, 2020 at dumeretso sa pagdinig para sa karagdagan pang 25 taong renewal ng prangkisa ng network.
Sinabi ni Villafuerte na napaso na ang prangkisa ng ABS-CBN at may pending itong kaso sa Korte Suprema.
Magugunita na nagsampa ang ABS-CBN ng petisyon sa Korte Suprema para sa TRO laban sa NTC matapos na mag-isyu ang huli ng cease and desist order sa ABS-CBN noong Mayo 5 o isang araw matapos na mag-expire ang prangkisa ng network.
Kamakalawa ay hindi nag-isyu ng TRO ang Korte Suprema at sa halip ay pinagkokomento sa loob ng 10 araw ang NTC laban sa isinampang petisyon ng ABS-CBN.
Bagaman sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na mamadaliin na ang pagdinig sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN ay posibleng bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27 pa ito matapos kung saan ay madedesisyunan na sa Agosto ng taong ito.