6K trike drivers sa Marikina isinailalim sa mass testing

Ito ang inianunsiyo ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at agad na nilinaw na ang COVID testing ay hindi mandatory at hindi rin kondisyon para sila ay makabiyahe.
Philstar.com/Irish Lising, file

MANILA, Philippines — Umabot sa 6,000 tricycle drivers sa Marikina City ang balik-pasada na matapos na sila ay isinailalim sa mass testing para sa COVID-19.

Ito ang inianunsiyo ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at agad na nilinaw na  ang COVID testing ay hindi mandatory at hindi rin kondisyon para sila ay makabiyahe.

Sinimulan ang rapid testing nitong Lunes at magtatagal ito hanggang Biyernes.

Anya, nitong Lunes lamang ay 1,084 tricycle drivers na ang kanilang naisailalim sa pagsusuri at tatlo sa kanila ang nagpositibo sa virus.

Kaagad naman aniyang nag-quarantine ang mga ito at nakatakda na ring isailalim sa confirmatory tests.

“Kung papatunayan na positive sila ngayong araw, eh sisimulan na ‘yung medical treatment na kailangang ibigay sa kanila. Kailangan ma-isolate para maiwasan ‘yung local transmission,” anang alkalde.

Magsasagawa rin aniya sila ng contact tracing para matukoy kung sinu-sino ang nakasalamuha ng mga infected tricycle drivers. 

Bukod sa mga tricycle drivers, isasailalim rin nila ang mga manggagawa sa mga palengke at groceries, gayundin ang mga empleyado mula sa industriya ng sapatos sa lungsod.

Tiniyak rin ng alkalde na patuloy silang magkakaloob ng tulong sa mga nangangailangang manggagawa, partikular na yaong dinapuan ng virus.

Pinaalalahanan rin ang mga tricycle at pedicab dri­vers, gayundin ang mga operators na tiyaking inoobserbahan ang safety guidelines at social distancing measures, sa pagbalik ng kanilang operasyon at laging i-disinfect ang kanilang tricycle o pedicab units at siguruhing isang pasahero lang ang kanilang isasakay.

Show comments