ERC inatasan na suriin ang biglang taas-singil ng Meralco

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng committee on energy, na pinadalhan na nila ng abiso ang ERC para tingnan ang computation dahil mayroong instruction kung paano ang tamang pag-compute sa billing na ibinibigay ng Meralco at sa lahat ng electric utilities cooperatives sa buong bansa.
STAR/Geremy Pintolo, file

MANILA, Philippines — Pinasusuri ng Senado sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang kwenta nila kaugnay sa biglaang pagtaas ng singil ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong buwan ng Mayo.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng committee on energy, na pinadalhan na nila ng abiso ang ERC para tingnan ang computation dahil mayroong instruction kung paano ang tamang pag-compute sa billing  na ibinibigay ng Meralco at sa lahat ng electric utilities cooperatives sa buong bansa.

Paliwanag ni Gatcha­lian, ang nangyari ngayon buwan  sa billing ng Marso, Abril at Mayo ay ini-average lang ng Meralco ang singil kaya nagulat ang mga tao at nagreklamo.

Kaya agad umano silang nakipag-ugnayan sa ERC para magkaroon ng fact-finding sa nasabing sitwasyon at para masiguro rin na walang labis ang paniningil ng nasabing kumpanya.

Sinabi naman ni Senador Grace Poe, chairman ng committee on pubic services na hindi muna dapat maningil ang Meralco sa kanilang mga consumers hanggang hindi pa eksakto ang billing.

Ipinaliwanag naman ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na “estimate” o tantiya lang ang konsumo ng kuryente na kanilang siningil para sa mga buwan ng Marso at Abril. Ang mga ito ay isinama naman aniya sa  bill ngayong Mayo at magse-self-correct din naman ito sa sandaling lumabas na ang aktwal na konsumo para sa mga naturang buwan, sa susunod na billing.

Show comments