Lansangan sa Metro Manila ‘Buhay’ na naman

Bumuhos ang mga sasakyan sa Marcos Highway, Cainta, Marikina at Antipolo westbound at eastbound boundaries sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa pagsisimula ng MECQ sa Metro Manila.
Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Dahil sa pagsisimula ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region kahapon, nagsimula na rin ang unti-unting “pagkabuhay” ng mga lansangan sa Metro Manila.

Naging kapuna-puna ang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Sa Quezon City, ma­ra­ming residente ang dumagsa sa mga palengke, partikular sa Q-Mart at Balintawak market. Gayundin ang sitwasyon sa Maynila, Pasig at Mandaluyong, upang mamili ang mga residente ng kanilang mga pangangailangan. Pero tinitiyak naman ng mga awtoridad na mahigpit pa rin ang ipinatutupad nilang mga safety measures para maiwasan ang posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ilan sa mga panuntunan na dapat sundin ng mall goers ay ang pag-obserba sa social distancing at palagiang pagsusuot ng face mask.

Nagpakalat din ang mall ng safety protocol officers upang matiyak na malayo sa isa’t isa ang mga shoppers. Mayroon ding mga alcohol at sanitizers na inilagay sa mga pasukan at labasan ng mga mall, habang may disinfection team din na tumitiyak na lahat ng hawakan ng pintuan at iba pang common areas ay malinis mula sa virus.

Pinilahan na rin ng mga mamimili maging ang mga tindahan ng alak sa QC, kasunod na rin ng pagtatanggal na ng liquor ban sa lungsod.

Dahil weekend, hindi naman muna nagbukas ang malalaking shopping centers sa Taguig City habang inihahanda pa ang health protocols laban sa virus.

Sa Pasay City, binuk­san na rin ang ilang commercial establishment ngunit binalaan sila ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na mu-ling ipasasara kung hindi tatalima sa mga ipinatutupad na health at safety standards laban sa COVID-19 kabilang na ang pag-check ng body temperature ng mga pumapasok na kustomer, pagsusuot ng face masks at pag-obserba sa physical distancing.

Matatandaang dalawang buwang naka-ECQ ang Metro Manila kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Show comments