MANILA, Philippines — Umapela si Marino Partylist Rep.Sandro Gonzalez sa pamahalaan na isama ang nasa 55,715 Pinoy seafarers na nawalan ng trabaho dahilan sa matinding epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Social Amelioration at Balik Probinsya Program ng gobyerno.
Sa natanggap na impormasyon ng Action Center ni Gonzalez ang nasabing mga seafarers ay nawalan ng trabaho sanhi ng outbreak ng COVID-19 habang ang iba naman ay hindi pa nakakuha ng ‘green light’ para sa kanilang pagtratrabaho sa ibang bansa dulot ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Naghain si Gonzales ng House Resolution No. 842 noong Mayo 7 para isulong ang malasakit sa hanay ng mga seafarers.
Base sa datos ng Maritime Industry Authority (MARINA), nasa 28,443 Filipino seafarers ang pinauwi na sa bansa simula noong Mayo 8 dulot ng krisis sa COVID- 19 habang nasa 27,272 naman ang inaasahang magsisiuwi na sa susunod na mga araw.
Sinabi ng solon malaki ang naiambag ng remittances ng mga Pinoy seafarers sa ekonomiya bago pa man magkaroon ng krisis sa COVID-19 kaya dapat lamang na tulungan ang mga ito ng gobyerno sa panahon ng pangangailangan.