MANILA, Philippines — Tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra sa pagdinig ng Senate public services committee na pinamumunuan ni Senator Grace Poe na hindi magtataas ng pamasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan sa sandaling alisin na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang lugar.
Sinabi ni Delgra, napagkasunduan nila ng Department of Transportation (DOTr) na hindi na magtaas pa ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan na papayagang pumasada kapag naalis na ang ECQ at ayaw naman umanong magdagdag pa ng pasakit sa publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon pa kay Delgra na sakaling ilagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Luzon ay papayagan ang mass public transport, subalit may restriksyon dahil sa banta pa rin ang virus kung saan kabilang sa ipapatupad ay ang physical distancing.
Kailangan pa umanong kumuha ng special permits mula sa LTFRB bago sila payagang mamasada at hindi na rin maaaring pumasada sa regular nilang ruta dahil depende pa rin ito sa LTFRB at local government unit.
Anya, ang mga unit na may malaking kapasidad para sa pagsasakay ng mga commuters ay bibigyang prayoridad para mabigyan ng special permits kaya uunahin dito ang modern buses kasunod ang mga modern jeepneys at traditional jeepneys.