Lumang jeep papayagang pumasada sa GCQ

Gayunman, sinabi Transportation Usec. Artemio Tuazon Jr. na prayoridad ng pamahalaan na makapag-operate ang mga “modernized jeepneys” at buses kaysa sa mga lumang jeepneys.
BusinessWorld/File

MANILA, Philippines — Papayagan na ang mga lumang jeep-ney na makapag-ope­rate at pumasada sa mga lugar na isinasai-lalim sa general community quarantine (GCQ), ayon sa Department of Transportation (DOTr) kahapon.

Gayunman, sinabi Transportation Usec. Artemio Tuazon Jr. na prayoridad ng pamahalaan na makapag-operate ang mga “modernized jeepneys” at buses kaysa sa mga lumang jeepneys.

Paglilinaw ni Tuazon, basta’t “roadworthy” pa ang lumang jeepney ay papayagan ng pamahalaan na makapamasada ang mga ito.

“Actually, puwede sila mag-operate,” ani Tuazon.

Ang hindi lamang  ani­ya papayagan ay yaong mga lumang jeepney na mausok at ‘di na maayos ang kondisyon.

Paliwanag ng opisyal, pina-prayoridad lamang ang mga modernized jeepneys dahil sa “tap card system” nito na nakatutulong para maiwasan ang “close contact” ng mga pasahero. Mas maluwang at mataas din aniya ang mga kisame ng mga modernided jeepneys.

Magsisilbi rin naman umanong “augmentation” ang mga lumang jeepney kung hindi sapat ang mga modernized jeepneys upang pagsilbihan ang mga commuters sa mga lugar na nasa GCQ na.

“Kung ‘di mapupunan ng modernized jeeps ang pangangailangan ng mga pasahero, puwede sila pag-opereytin,” pahayag ni Tuazon.

Paiiralin ang pagsusuot ng face masks at guwantes ng mga drivers, at idi-disinfect ang kanilang mga sasakyan at kanilang terminal para masigurong hindi magkakaroon ng hawahan ng virus. Nasa 50 porsiyento lamang ng passenger load ng mga bus at jeep ang kanilang isasakay para walang siksikan.

Sa ilalim ng GCQ, ang mga public utility vehicles (PUVs) ay dapat na kumuha ng special permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kaugnay nito, nilinaw ni Tuazon na hindi pa rin pinapayagan ang anumang uri ng transportasyon sa mga lugar na nananatiling nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Show comments